Pinto

Oo, ‘di ko nagawa ‘yon.
Oo, ‘di ko nasabi ‘yon.
Marami ‘man akong panghihinayang at pagsisisi,
Pero ito na nga yung bagong simula.
Sabi sa isang nabasa ko,
“Hindi ka makakaabante kung hindi ka lumingon sa likod.”

Tapos na yung mga araw na nagbalik-tanaw ako
Hindi ‘ko na mababalik yun,
Nanatili na lang na isang alaala
ang lahat ng kung ano mang meron tayo kahapon.
Kakalimutan ko na ang “Kahapon”
At haharapin ko na ang “Ngayon”

Narito tayo ngayon sa mga tanyag na Unibersidad sa bansa,
Parehong kolehiyo
Tinatahak ang ating kanya-kanyang landas.
Heto’t tayo’y tumanda
At nagkaroon ng muang nang magkalayo.
Nandyan ka
Nandito naman ako.

Kung dati’y dalawang daan at labing-pitong kilometro ang layo
Ngayon ay dalawang kilometro na lamang ang pagitan nating dalawa
Tila ang lapit na nga talaga natin kumpara sa dati.
Pero hindi ‘ko alam.
Walang nakakaalam kung sa nilapit-lapit nating dalawa,
Ay magkikita nga ba?
Kung saan dadalhin ako ng aking mga paa
Papunta sa lugar kung nasa’n ka.

Isang araw biglang bumungad ang isang pinto.
Isang pinto na maglalapit sa akin kung saan naroon ka.
Isang pinto na maglalapit sa apat na paa na minsang pinaglayo ng tadhana.
Isang pinto na muling maglalapit
Sa ating dalawa.
Ngunit heto ako,
Nagtatanong sa sarili
Kung sakali ba na papasok ako sa pintong iyon
At pumaroon sa lugar kung na saan ka.
Ang tanong,

Nandyan ka ba?

Leave a comment